Home METRO P13.6M shabu nasabat sa Muntinlupa, 2 arestado

P13.6M shabu nasabat sa Muntinlupa, 2 arestado

MANILA, Philippines – Umabot sa P13.6 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga operatiba ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-National Capital Region Northern at Southern District Office na ikinaaresto ng dalawang suspek.

Isinagawa ang buy-bust operation sa loob ng isang subdibisyon nitong nakaraang Sabado (Enero 6) sa Barangay Tunasan, Muntinlupa City.

Base sa report na nakalap ng Southern Police District (SPD), kinilala lamang ang mga suspek sa alyas na John, 42, at Linda, 40.

Ang mga nadakip na suspek ay di-umanoý mga miyembro ng kinatatakutang “Coplan Sais-Strong Ice.”

Sa isinagawang operasyon ay nakarekober ang mga operatiba ng dalawang foil packs ng “Guanyinwang” na may mga Chinese characters na ang bawat pakete ay naglalaman ng tig-isang kilo ng pinaghihinalaang shabu na may kabubuang halaga na P13.6 milyon at iba’t-ibang uri ng identification cards.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspect na kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA. James I. Catapusan