Home NATIONWIDE 2 minero na-trap, posibleng patay na sa illegal treasure hunt

2 minero na-trap, posibleng patay na sa illegal treasure hunt

MANILA, Philippines – Nagpapatuloy pa rin ang search and retrieval operations sa dalawang minero na nawawala at pinaniniwalaang patay na matapos ang pagsabog sa 80-feet na lalim ng illegal excavation site sa Purok 3, Barangay Manay, Panabo City, Davao del Norte.

Ayon kay Panabo City Information Officer Michael Angelo Resueño, mula pa noong Linggo ng hapon ay iniulat na ang pagkawala ng dalawang minero matapos ang pagsabog.

“May suspected flammable substance kasi doon. Possibly, ang dalawang biktima ay may dalang martilyo at pako, na umano’y naging sanhi ng pagsabog. Possibly, nag-spark ang ginamit nilang materyales habang nasa baba sila,” ani Resueño sa panayam ng ABSCBN News.

Hindi agad nakapaglunsad ng retrieval operations ang mga rescuer mula sa Bureau of Fire Protection dahil puno ng tubig ang excavation site.

Gumamit pa ng backhoe ang lokal na pamahalaan at mga rumesponde para lawakan ang butas.

“Isa rin sa mga naka-hinder sa operations ay ang level of water sa primary hole dahil malalim din siya. Mahirap din sa ating responders, rescuers from BFP na bumaba roon na hindi nila alam kung ano ang nasa tubig na ‘yon,” ani Resueño.

Napag-alaman na walang permit ang naturang excavation project mula sa Mines and Geosciences Bureau at lokal na pamahalaan.

Hindi rin alam ng mga opisyal ng barangay ang patungkol sa hukay na pinaniniwalaang dahil sa treasure hunting.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan na magbibigay ng tulong sa pamilya ng dalawang minero.

“The LGU will be acting on the complaints against this excavation hole. This is a precedent of our action to our different barangays to check other areas baka may illegal mining or excavation,” sinabi pa ni Resueño. RNT/JGC