MANILA, Philippines – Natagpuan ang naaagnas nang bangkay ng dalawang lalaki sa boundary ng San Mateo at Antipolo, sa Rizal.
Sinabi ni Alberto Zeller Jr., hepe ng Barangay Police Safety Office, na lumapit sa kanilang barangay ang isang concerned citizen matapos na makita umano ang dalawang bangkay sa pagitan ng Barangay Silangan at Barangay Cupang, araw ng Biyernes, Abril 25.
Ang mga biktima ay edad 52 at 37.
“May report ang presidente ng community doon kung saan natagpuan ‘yung dalawang bangkay, mga lalaki, nasa stage na ng decomposition,” ani Zeller, sa panayam ng ABSCBN News.
Liblib ang lugar kung saan natagpuan ang dalawang lalaki.
Agad namang nagtungo sa lugar ang barangay at pulisya para marekober ang bangkay.
“Na-idenity na po ‘yung mga victims po na natagpuan po rito sa area namin. Isa pong tricycle driver at ‘yung isa po ay kasa-kasama lang po ng driver,” pahayag ni PSSG Genesis Almasco, Investigator-On-Case ng San Mateo Municipal Police Station.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya upang malaman ang motibo sa pagpatay.
“Patuloy po ang pagba-backtrack ng pieces of evidence at mga CCTV footage sa pinangyarihan para makakuha ng ebidensya at ma-filean na ng kaso ang may gawa,” sinabi ni Almasco.
Samantala, nakuha na ng pamilya ang mga bangkay na pawang residente ng Antipolo City. RNT/JGC