MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 10-anyos na batang lalaki habang nasa ospital naman ang kanyang pinsan matapos na mabiktima ng dikya sa isang resort sa Camarines Sur.
Nagtungo sa resort ang mga biktima kasama ang kanilang pamilya para sa isang outing sa Barangay Penitan, Siruma noong Biyernes, Abril 25.
Ayon sa mga saksi, bandang alas-12:30 ng hapon ay lumalangoy sa dagat ang mga biktima nang madikitan ng dikya sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan, dahilan upang sumigaw ang mga ito sa sakit at humingi ng tulong.
Wala nang malay nang maiahon sa dagat ang isa sa mga biktima.
Nasawi ang 10-anyos na batang lalaki bago pa makarating sa ospital.
Ang kasama naman nito ay inilipat sa Bicol Medical Center sa Naga City para sa kaukulang medikal na atensyon.
Nagpaalala ang mga awtoridad at pamunuan ng resort sa publiko kaugnay sa presensya ng mapanganib na dikya sa lugar.
Matatandaan na ipinanawagan ng isang senador noong Marso ang pagpapasara sa isa pang resort sa Subic, kung saan nasawi rin ang isang 5-anyos na batang babae dahil din sa dikya.
Ang mga dikya ay karaniwang nakikita mula Abril hanggang Hunyo. RNT/JGC