Home HOME BANNER STORY Pag-okupa ng China sa Sandy Cay, itinanggi ng PH Navy

Pag-okupa ng China sa Sandy Cay, itinanggi ng PH Navy

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Philippine Navy ang sinabi ng China na naokupa na nila ang Sandy Cay, na matatagpuan sa South China Sea.

Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Navy spokesperson for the West Philippine Sea, layon ng pahayag ng China na ilayo ang atensyon ng publiko sa mga alegasyon ng Chinese spies at troll farm na kinuha ng Chinese Embassy sa Manila noong 2023.

“Chineck natin kasama ang Coast Guard, ang Navy, ang AFP, ang BFAR, and other agencies. Walang nakita doon and we were able to debunk ‘yung pinapalabas nila na may picture sila,” ani Trinidad sa panayam ng DZBB.

“Hindi nga nakalagay kung kailan ‘yung picture na nakuha,” dagdag pa.

Ito ay kasunod ng sinabi ng China na nakuha na nito ang kontrol sa Sandy Cay, na bahagi ng Spratly Islands.

Ani Trinidad, nakita nila ang nasa apat na barko ng Chinese Coast Guard (CCG) vessels at 19 maritime militia malapit sa Sandy Cay.

“May nakitang mga CCG at maritime militia na dati rati naman ay nandoon sila sapagkat ang Sandy Cay ay malapit naman ito sa Pag-Asa [Island],” sinabi pa niya.

Siniguro ni Trinidad sa publiko na patuloy ang pagmonitor ng mga awtoridad sa Sandy Cay. RNT/JGC