MANILA, Philippines- Hinuli ng mga awtoridad ang isang guwardiya matapos mabaril ang dalawang indibidwal, isa sa kanila ang nasawi, na pumasok sa binabantayan niyang kompanya sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Batay sa ulat nitong Martes, nadatnan umano ng suspek ang dalawang indibidwal na nasa seaport sa loob ng binabantayan niyang steel company.
Hindi naman nabatid kung anong ginagawa ng dalawa sa nasabing lugar.
Dito na pinaputukan ng baril ng suspek ang dalawa kung saan natamaan sa kanang bahagi ng katawan ang isa sa kanila na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Sumuko naman ang suspek, habang ang shotgun na ginamit sa pamamaril ay narekober ng mga awtoridad.