PASAY CITY – Nagsagawa ng simultaneous anti-criminality and law enforcement operations (SACLEO) ang mga miyembro ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay police na nagresulta ng pagkakadakip ng dalawang wanted suspects sa lungsod.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Froilan Uy ang mga nadakip na suspects na sina Cristina Mengote, 33, alias “Tina” at Joseph Galon, 50, alias “Negro”.
Sinabi ni Uy na si Mengote na sangkot sa bentahan ng ilegal na droga ay naaresto dakong ala 1:00 ng hapon sa kahabaan ng F.B. Harrison St., Barangay 70, Pasay City nitong Miyerkules (Hunyo 28).
Nangyari ang pag-aresto kay Mengote makaraang isilbi ang warrant of arrest laban sa kanya na inisyu ni Pasay Regional Trial Court (RTC) Judge Divina Gracia Lopez Peliño ng Branch 231 noong May 17, 2016 na walang kaukulang piyansa na inirekomenda.
Ayon pa kay Uy, si Galon naman ay nadakip dakong ala 1:00 ng madaling araw dahil sa kasong frustrated murder sa kahabaan ng Tramo St., Barangay 45, Pasay City.
Naaresto naman si Galon sa bisa ng warrant of arrest issued by Pasay RTC Judge Elmer Joseph R. Guerzon ng Branch 114 nitong Hunyo 6, 2023 na mayroong kaakibat na rekomendasyong piyansa na P24,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. James I. Catapusan