Home METRO Lola nasagasaan ng van, todas

Lola nasagasaan ng van, todas

MANILA, Philippines – Todas ang isang 77-anyos na lola matapos masagasaan ng umaatras na van para pumarada sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Hindi umabot ng buhay sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo ang biktimang si Letticia Redillas, ng 14 L.R Yangco St., Brgy. Navotas East.

Mahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang driver ng Mitsubishi L300 Van na si Anndie Napao, 38, ng 19 L.R Yangco St., Brgy. Navotas East.

Sa ulat nina PCMS Aurelito Galvez at PSSg Sammy Llanderal kay Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, dakong alas-11:45 ng umaga, minamaneho ng suspek ang naturang sasakyan sa kahabaan ng L. R Yangco Street paatras para pumarada nang hindi niya napansin ang biktima na nasa likuran ng sasakyan.

Dahil dito, natisod umano ang biktima hanggang sa masagasaan ng sasakyan at matamaan ang kanyang ulo habang nakahandusay sa simento kaya agad siyang isinugod ng ambulansya ng Navotas City CDRRMO sa nasabing pagamutan subalit, hindi na umabot ng buhay.

Inaresto naman ang driver ng van ng traffic enforcer na si Don-Don Mendoza, 47, bago tinurn-over sa pulisya para sa proper disposition at imbestigasyon. Boysan Buenaventura