Home OPINION 5 REMATE REPORTERS, COLUMNIST PATAY, 1 SUGATAN

5 REMATE REPORTERS, COLUMNIST PATAY, 1 SUGATAN

SA kasaysayan ng ating pahayagang Remate, anim na sa mga kasapi nito ang nakaranas ng matinding karahasan na karamihang may ugnayan sa pag-uulat ukol sa droga

Kamakalawa at pang-anim na kaso, milagrong naligtasan ni Rene Joshua Abiad, photographer, ang ulan ng bala ng baril mula sa dalawang gunman sa harap ng kanilang bahay sa Quezon City.

Nakamotorsiklo at nakakotse ang mga gunman ngunit nakatakas.
Naunang pinagbabaril at namatay sa limang tama ng bala si ex-correspondent Romy Binungcal noong Setyembre 29, 2004 habang pauwi na kanilang tahanan. Pauwi siyang nakamotorsiklo nang tambagan siya ng mga nakamotorsiklo rin ngunit wala nang balita rito.

Noon namang Hunyo 3, 2009, namatay si reporter Tiburcio “Jojo” Trajano, kasama si SPO2 Virgilio de la Cruz, makaraang pagbabarilin sila ng mga sangkot sa droga sa Lupang Arenda, Taytay, Rizal.

Pinakilos noon ni Chief Supt. Perfecto Palad, Calabarzon police director, ang 418th Provincial Mobile Group at napatay nila ang dalawang suspek ngunit hindi nila nadakip ang pangunahing suspek na isang Zoren na miyembro ng Fabu Norma criminal group.

Abril 6, 2014 nang pagbabarilin naman ng tatlong gunman si reporter Ruby Garcia sa loob ng kanyang tahanan sa Bacoor, Cavite. Isa sa mga suspek ang isang naging chief of police sa Tanza, Cavite at sinibak ito sa pwesto ngunit wala na ring balita rito.

Noon namang hapon ng Setyembre 29, 2019, pinagbabaril paglabas sa kanyang sasakyan si columnist Abdulrashid “Ding” Ladayo sa harapan mismo ng kanilang bahay sa Brgy. Sangandaan, Quezon City. Nasa 3-4 ang killer na nakamotorsiklo at wala nang balita ukol dito.

Pinatay naman ng isang gunman si Jupiter Gonzalez noong Oktubre 22, 2019 sa isang kalsada sa Arayat, Pampanga ngunit hanggang ngayon wala pa ring balita sa kaso.

Quezon City Police District Director PBGen. Nicolas Torre III, Sir, umaasa kami na malulutas ninyo ang kaso ni Abiad.