Home NATIONWIDE Pagpasa ng panukala vs agricultural economic sabotage inihirit sa Kamara

Pagpasa ng panukala vs agricultural economic sabotage inihirit sa Kamara

MANILA, Philippines- Hinikayat ng Philippine Tobacco Growers Association (PTGA) at ng National Federation of Tobacco Farmers Association and Cooperatives (NAFTAC) ang Kamara na bumuo ng bicameral conference committee upang talakayin ang panukalang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Sa press release nitong Huwebes, sinabi ni PTGA president Saturnino Distor na kinakailangan ang panukala ”since the agricultural sector is reeling from rampant smuggling that threatens local farmers and millions of their dependents.”

Inihayag ni Distor na mahalaga ang tobacco farming sa food security dahil nagsasaka rin ang mga miyembro nito ng palay, mais, at iba pang primary crops.

“We hope that Congress can finally have a bicameral conference committee so it can be signed by President Marcos before his SONA (State of the Nation Address). Ito ay isa sa prayoridad ng kanyang administrasyon at malaking tulong sa aming magsasaka,” pahayag ni Distor.

Inihayag naman ng National Tobacco Administration (NTA) na sa kasalukuyan ay mayroong 2.2 milyong Pilipino na “financially dependent” sa tobacco, kabilang ang mahigit 430,000 magsasaka, farm workers, at kanilang mga pamilya.

Sinabi ni NAFTAC chairman Bernard Vicente na hindi lamang magiging magandang balita sa mga magsasaka ang pagpasa ng panukala kundi makapagpapalapit din sa Marcos administration sa pagtupad sa campaign promise nitong pagbibigay ng abot-kayang agricultural products sa publiko.

“We believe the bill will help prevent the smuggling of agricultural products and will deter these criminals. Sana ay matapos na ang maliligayang araw ng mga smugglers, hoarders, at ang mga nagca-cartel,” giit ni Vicente.

Ipinasa ng Kamara ang House Bill 9284, kilala rin bilang Anti-Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act, noong September 27, 2023.

Samantala, inaprubahan ng Senado ang parehong panukala, Senate Bill 2432, o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, noong December 11.

Sa ilalim ng panukala, ikokonsidera ang agricultural hoarding na economic sabotage kung ang indibidwal o mga grupo ay nagtatago ng stocks ng agricultural at fishery products bukod sa 30% ng kanilang normal inventory level dalawang linggo matapos ang deklarasyon ng abnormal situation, isang emergency, o state of calamity. RNT/SA