Home NATIONWIDE Solon: Bilang ng baril ni Quiboloy tiyaking tama

Solon: Bilang ng baril ni Quiboloy tiyaking tama

MANILA, Philippine- Hinikayat ni opposition Senator Risa Hontiveros ang Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang tamang bilang ng mga baril ng puganteng televangelist na si Apollo Quiboloy.

Sa kanyang pahayag sa pagdinig ng Senate panel on women nitong Huwebes, binanggit ni Hontiveros ang pasa ng nakaraan niyang apela para sa“shorter deadline” upang isuko ni Quiboloy ang kanyang mga armas.

Sinabi ng senador na kailangang matiyak na 19 lamang ang bilang ng mga baril na ito– na nauna nang inilahad ng PNP.

“Ulitin ko lang po ang hiling ko kina chief PNP [ Police Major General Francisco Marbil at] sa inyo pong lahat — na baka [pwedeng] hindi umabot sa anim na buwan yung period na makuha yung mga ‘yun at matiyak na 19 lang ba talaga,” giit ni Hontiveros.

“Kasi kahit sa social media posts ng mala-private army nya ay parang mas marami pa sa 19,” wika pa ng senador.

“I hope that our processes dito man sa Senate, sa mga korte natin, or baka pa sa ibang bansa will not take half a year so. Sana sumabay o mauna pa ang aksyon ng ating pambansang kapulisan,” dagdag niya.

Sa kabila ng pagkakaroon ng ilang armas, nauna nang itinanggi ng PNP ang alegasyong armado at mapanganib si Quiboloy.

Samantala, hiwalay na nag-isyu ang Davao at Pasig courts ng arrest orders laban kay Quiboloy para sa sexual abuse at human trafficking charges.

Bukod sa mga kautusang ito, mayroon ding warrant of arrest na inisyu ang Senate panel on women sa pamumuno ng Hontiveros laban sa kontrobersyal na sect leader. RNT/SA