Home NATIONWIDE F2F classes sinuspinde sa 7,734 pampublikong paaralan – DepEd

F2F classes sinuspinde sa 7,734 pampublikong paaralan – DepEd

MANILA, Philippines- Sinuspinde ng Department of Education (DepEd) ang “in-person classes” sa 7,734 sa 47,678 pampublikong paaralan sa bansa sa gitna ng matinding init ng panahon.

Batay sa update ng DepEd, kagyat na ipinatupad ng mga kinauukulang paaralan ang alternative delivery modes.

Karamihan sa mga apektadong eskwelahan ay mula sa Western Visayas na may 1,613; sumunod ang Central Luzon na may 1,254; Bicol na may 1,181; at Zamboanga na may 666.

Sa National Capital Region, may 252 eskwelahan ang apektado.

Ang suspensyon ng face-to-face classes ay matapos sabihin ng PAGASA na may 39 na lugar ang maaaring makaranas ng “danger level” ng heat index, araw ng Huwebes.

Ang Heat index ay ang sukat ng temperatura na nararamdaman ng isang tao, na iba mula sa aktuwal na air temperature.

“It is computed by factoring in the humidity and the air temperature,” ayon sa ulat.

Sa kabilang dako, sinabi ng PAGASA na ang heat cramps at heat exhaustion ay maaaring maranasan sa mga lugar kung saan umiiral ang mapanganib na lebel ng heat index, sinasabing mula 42 hanggang 51°C. Posible naman ang heat stroke kapag patuloy na nagbibilad o lantad sa matinding init.

Ang school heads naman ay may kapangyarihan at pagpapasya na suspendihin ang ‘in-person classes’ at lumipat sa alternative delivery modes sa oras na maranasan na ang “extreme heat” na nagdulot ng panganib sa kalusugan ng mga estudyante, mga guro at manggagawa.

“Regional directors and superintendents also have the authority to move class schedules to early morning or in the late afternoon due to the intolerable heat in some schools,” ayon sa DepEd. Kris Jose