Home METRO 2 nanlibre sa bar, higit P80K bill ‘di binayaran!

2 nanlibre sa bar, higit P80K bill ‘di binayaran!

MANILA, Philippines- Dinakip ng Manila Police District (MPD) ang dalawang suspek dahil sa pananakit sa isang waiter sa isang local bar at hindi pagbabayad ng kanilang bill na mahigit P84,880, ayon sa MPD nitong Linggo.

Kinilala ng mga pulis ang mga suspek na sina Andrie Luciano, 28, residente ng General Trias Cavite, at Annabelle Rutor, 43, residente ng Sta. Ana, Manila.

Batay sa police report, nag-iinuman ang mga suspek sa Adrian’s Bar bandang alas-8:30 ng gabi noong Hulyo 5.

Nagdeklara umano ng dalawang suspek ng “open house treat” para sa lahat, kabilang ang mga empleyado ng bar.

Nang tapos na ang party, umabot ang kabuuang bill sa P84,880 mula sa open house treat.

Subalit, tumanggi ang mga suspek na bayaran ito at sinaktan pa ang waiter at mga cashier, dahilan upang magpatulong ang saksi sa mga awtoridad.

Dinala ang mga suspek sa Ospital ng Sampaloc para sa inisyal na medico-legal examination at saka nagtungo sa Sampaloc Police Station para sa imbestigasyon.

Nahaharap sila sa kasong estafa at physical injury sa City Prosecutor’s Office. RNT/SA