Home METRO Motor, bus nagsalpukan; sundalo patay!

Motor, bus nagsalpukan; sundalo patay!

BACOLOD CITY- Patay ang isang sundalo matapos sumalpok ang kanyang motorsiklo sa Ceres Liner bus sa Crossing Ambush, Barangay Manalad, Ilog, Negros Occidental nitong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Private First Class John Leo Saldua, 33, ng Bago City, naka-assign sa Army 15th Infantry Battalion (IB) na naka-base sa Cauayan, Negros Occidental.

Sinabi ni Police Lt. Rygie Pigar, deputy chief ng Ilog Municipal Police Station, mabilis umano ang takbo ng biktima patungo sa trabaho bandang alas-6:30 ng umaga.

Ani Pigar, batay sa closed-circuit television (CCTV) camera footage, nawalan ng kontrol ang biktima habang binabaybay ang palikong bahagi ng kalsada at sumalpok sa bus patungo sa lungsod.

Nagtamo ang biktima ng severe head injuries at agad binawian ng buhay.

Wala namang nasugatang pasahero at pinakawalan na ang 32-anyos na bus driver mula sa kustodiya ng pulis matapos ang 18-oras na reglementary detention.

Maghaharap umano ang pamilya ng biktima at ang bus company hinggil sa insidente. RNT/SA