MANILA, Philippines- Arestado ang dalawang Nigerian nationals sa isang bahay sa Cavite na umano’y nagpapatakbo ng love scam operations.
Batay sa ulat, nadakip ng Regional Special Operations unit at Tanza Police ang mga suspek na hinihinalang galing sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Bamban, Tarlac.
“‘Di lang mga Pilipino kundi pati foreigners ang binibiktima nila. Sila ay nag-aral somewhere in Central Luzon, hanggang sa sila’y narecruit sa Bamban, Tarlac kung saan sila ay nagtrabaho sa isang POGO. Nung nakita na nila at nalaman kung paano magtrabaho sa isang POGO, sila ay umalis doon at nagtayo ng sarili nila,” ani Police Brigadier General Kenneth Paul Lucas, Police Region Office-4A regional director.
Nakumpiska rin ang mobile phones na may naka-install na dating applications na ginagamit sa panloloko.
Natukoy ng Calabarzon Police ang ilegal na aktibidad kasunod ng ulat ng isang Pinay na inaabuso umano sa love scam hub.
“Sabi niya ako raw ang magmo-model, ako ang makikipagcommunicate sa mga client, ayoko po. Ayoko po kasing gagamitin niya mukha ko para manloko ng ibang tao. Yung sampal niya, literal na tatama sa buong mukha ko, sobrang laki ng palad niya. Nahirapan na rin akong makarinig, humina po siya,” anang complainant.
Itinanggi naman ng isa sa mga suspek ang akusasyon..
“I’m not holding her against her will. I never caused her injury,” giit niya.
Subalit, kinumpirma ng isa pang suspek na nagtrabaho sila sa POGO sa Bamban, Tarlac, at doon natutunan ang love scam operations.
“May kontak kami doon sa Bamban, Tarlac. Pagdating namin doon, di namin alam yung mismong ginagawa doon, hanggang sa nalaman din namin. Marami na pong problema, di po namin alam gagawin, di pwede magtrabaho dito kaya walang choice. Di naman literal na nagtayo, nag-try lang po,” wika ng isa pang suspek.
Kinasuhan ang dalawang suspek ng illegal detention at paglabag sa Cybercrime Prevention Act. RNT/SA