Home METRO 2 NPA nalambat sa engkwentro

2 NPA nalambat sa engkwentro

ISABELA- Nadakip ng militar ang dalawang kasapi ng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ang nasa walong rebelde sa bulubunduking bahagi sa bayan ng Gamu, kahapon ‘Easter Sunday.’

Ayon kay Major Eduardo D. Rarugal Jr., tagapagsalita ng 5th Infantry Division, PA, bandang alas-6 ng umaga ng Abril 20, 2025 naganap ang sagupaan sa Barangay Dicamay 2, Jones, Isabela.

Sinabi ni Rarugal, nagsasagawa ng foot patrol ang grupo ng 86th Infantry Battalion sa nasabing lugar nang nakasagupa nila ang walong armadong kasapi ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV).

Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok at kalaunan at tumakas ang rebeldeng grupo subalit dalawa sa mga ito ang nahuli.

Narekober din sa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro ang dalawang M-16 rifles na may mga bala at personal na gamit.

Dinala naman sa headquarters ng Camp Melchor F. Dela Cruz ang dalawang NPA para tamang proseso at dokumentasyon.

Samantala, hinimok naman ni Major Gen. Gulliver Señeres, pinuno ng 5th Infantry Division, ang mga natitirang kasapi ng KRCV at Ilocos Cordillera Regional Committee na sumuko sa mga awtoridad sa pamamagitan ng safe conduct pass na inilunsad ng militar.

“I’m encouraging all the remnants of the KRCV and the ICRC of the NPA to surrender to authorities. Hindi pa huli ang lahat. Ang pintuan ng pagbabalik-loob ay bukas pa rin. Ngunit habang pinipili ninyo ang humawak ng armas, kami ay mananatiling matatag sa aming paninindigan na ipaglaban ang kapayapaan para sa taong-bayan,” giit pa ni Señeres. Mary Anne Sapico