NEGROS OCCIDENTAL- Shoot sa kulungan ang dalawang construction worker matapos mahulihan ng higit sa P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad noong Miyerkules sa bayan ng Binalbagan.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Rex Navarro, 47, at Domingo Robles, 45, kapwa residente ng Barangay San Jose, ng naturang bayan.
Batay sa pinagsamang operasyon ng Philippine National Police (PNP)-Drug Enforcement Group-Special Operation Unit (PDEG-SOU)-6 (Western Visayas) at Binalbagan Police Station, bandang alas-4:30 ng hapon nang madakip ang mga suspek sa Purok Nawasa, Barangay San Jose, ng nabanggit na bayan.
Nakuha sa mga suspek ang walong malaking pakete na naglalaman ng pinaniniwalaan shabu na may bigat na 156 gramo at aabot sa halagang P1,060,800.
Ayon sa PDEG, dati na ring nadakip ang mga suspek sa kaparehong kaso na nasa top 2 drug personality.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. Mary Anne Sapico