MANILA, Philippines- Iniutos ng Supreme Court sa Bureau of Immigration (BI) at Department of Justice (DOJ) na palayain agad ang 74-anyos na Filipino-American na pitong taon nang nakakulong dahil sa pagiging overstaying alien.
Sa 32 pahinang desisyon ng SC En Banc, tinapos ng SC ang usapin ng citizenship ni Walter Manuel Prescott at idineklara siya na isang natural-born Filipino citizen at sa simula pa lamang ay hindi dapat ikinulong.
Kinatigan ng SC ang habeas corpus petition ni Prescott at iginiit na isa siyang Filipino citizen at hindi “subject for deportation”.
“He deserves to be set free since long ago. In fact, he should not have been deprived of his liberty and be treated as an overstaying alien in the first place,” bahagi ng nakasaad sa desisyon ng Korte.
Si Prescott ay ipinanganak sa Pilipinas noong April 10, 1950 sa ama na Amerikano at inang Pilipino.
Sa ilalim ng 1935 Constitution hindi pa otomatikong itinuturing na Filipino citizen ang mga ipinanganak sa mga may Filipino na magulang hindi gaya sa 1973 at 1987 Constitutions.
Sa requirement ng 1935 Constitution, isinusunod ang citizenship ng ipinanganak sa citizenship ng dayuhang ama hanggang tumuntong ito sa edad na 21 at magdesisyon kung nais nitong maging Filipino citizen.
Nabigyan si Prescott ng alien certificate of registration noong 1951, ngunit taong 1977 ay ipinaalam sa kanya ng US Embassy na hindi na siya American citizen dahil sa matagal na paninirahan sa Pilipinas.
Taong 1981 ay ikinasal si Prescott sa American citizen na si Maria Lourdes Dingcong. Nakasulat sa kanilang marriage contract na isa siyang Filipino.
Nanirahan at nagtrabaho si Prescott sa Amerika hanggang sa maging naturalized American citizen noong 2006. Matapos ang dalawang taon, nag-apply muli si Prescott ng Filipino citizenship sa ilalim ng Republic Act No. 9225 at pormal na nanumpa ng katapatan.
Nagretiro si Prescott sa Pilipinas noong 2010 kasama ang asawa ngunit makalipas ang dalawang taon ay inireklamo siya sa BI ng asawa at ng isang Jesse Troutman na umano ay ilegal na nakuha ang Filipino citizenship kaya naglabas ang BI ng warrant of deportation.
Nananatiling nakakulong si Prescott matapos ihayag ng National Bureau of Investigation na mayroon itong nakabinbing mga kasong kriminal. Lumabas kalaunan na wala itong mga kaso.
Nakasaad sa desisyon ng Supreme Court na nagkamali ang Court of Appeals nang gamiting basehan ang 1935 Constitution.
Sinabi ng SC na ang oath of allegiance ni Prescott bilang mamamayang Filipino noong 2008 ay sapat na pagtalima sa election requirements sa ilalim ng Commonwealth Act No. 625.
Ipinakita ni Prescott ang kanyang buong katapatan at pagmamahal sa Pilipinas nang magdesisyon itong maging Filipino citizen nang tumuntong sa edad na 21 at muling ipinakita ang katapatan sa bansa nang magdesisyong mabuhay sa natitirang mga panahon sa Pilipinas. Teresa Tavares