MANILA, Philippines – Patay ang tatlong indibidwal kabilang ang dalawang binatang construction worker matapos malunod Negros Occidental nitong Miyerkules, Hulyo 10.
Sa ulat, nasawi sina Andrew Cordero ng Talisay City at Yantor Yanson ng Bacolod City, kapwa 19 anyos, matapos malunod sa ilog sa Sitio Dumpsite, Barangay Buenavista, Himamaylan City.
Ayon kay Police Lt. Col. Anthony Grande, Himamaylan police chief, ang mga biktima at dalawa pa nilang kasama ay naligo sa ilog bandang alas-7:30 ng umaga.
Unang naligo si Cordero ngunit kalaunan ay humingi ng tulong matapos na siya ay malunod.
Sinubukan naman siyang sagipin ni Yanson ngunit maging siya ay tinangay ng malakas na agos ng ilog.
Narekober ang mga bangkay ng mga ito tatlong oras makalipas ang insidente.
Samantala, nalunod din ang 24-anyos na obrero sa ilog sa Sitio Napiluan, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla.
Sa ulat ng pulisya, nakita pang nakipag-inuman ang biktima sa isang sari-sari store gabi ng Martes, Hulyo 9.
Sinamahan ito ng kasama niya pauwi ng bahay para manghiram ng lighter na may flashlight.
Kinabukasan, natagpuan na lamang ang biktimang wala nang buhay sa gilid ng ilog. RNT/JGC