MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 8424 o Tax Reform Act of 1997 nitong Huwebes, Hulyo 11 laban sa apat na indibidwal kabilang ang isang Malaysian dahil sa pagbyahe umano ng P3.8-million halaga ng ismagel na sigarilyo sa Ilog, Negros Occidental.
Matatandaan na inaresto ang 31 anyos na construction worker at kapitan ng bangka, dalawang mangingisda edad 18 at 19 anyos, at 20-anyos na Malaysian na mangingisda rin.
Naharang ng Philippine Coast Guard (PCG)-Southern Negros ang bangka lulan ang 155 kahon na may 7,750 reams ng sigarilyo.
Ang dalawang suspek ay bumyahe ng dalawang araw mula Zamboanga para ibyahe ang mga sigarilyo patungong Negros.
Sinabi ng mga suspek na inutusan lamang silang ibyahe ang mga gamit sa probinsya at hindi nila alam ang source ng mga ito.
Ito na umano ang kanilang ikalawang pagkakataon na makapagbyahe ng mga sigarilyo sa probinsya.
Naniniwala si Ilog police chief Police Major Joseph Partidas na mayroong middleman na nagkontak sa mga suspek para ibyahe ang mga kontrabando. RNT/JGC