MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang dalawang mahalagang panukalang batas sa kalusugan na isinulong at sinuportahan ni Senadora Camille Villar, bilang bahagi ng pagsusulong ng preventive healthcare at pantay na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
Ayon kay Sen. Villar, mahalaga ang maagang pangangalaga at interbensyon dahil nakababawas ito ng paghihirap ng pasyente, nakakatipid sa gastusin, at nakapagliligtas ng buhay. Binigyang-diin niya na ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan ay karapatan ng bawat Pilipino. Siya ang pinakabatang senador ng Ika-20 Kongreso.
Isa sa mga inaprubahan ay ang Senate Bill No. 1509 o Philippine Geriatric Center Act, kung saan isa si Sen. Villar sa pangunahing may-akda. Layunin nitong itatag ang Philippine Geriatric Center (PGC) bilang isang tertiary specialty hospital sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Ang PGC ay magbibigay ng komprehensibo at pangmatagalang serbisyong pangkalusugan para sa mga senior citizen, lalo na ang mahihirap at may malulubha o komplikadong sakit. Kabilang sa mga serbisyong ibibigay ang diagnostic, rehabilitative, wellness, long-term, at palliative care. Magsisilbi rin itong sentro para sa pananaliksik, pagsasanay ng mga health professional, at pagbuo ng age-friendly na mga pasilidad pangkalusugan alinsunod sa Universal Health Care.
Inaprubahan din ang Comprehensive Lupus Prevention Act, kung saan co-author si Sen. Villar. Layunin nitong magtatag ng pambansang programa laban sa Systemic Lupus Erythematosus (SLE).
Inaatasan nito ang DOH na magsagawa ng programa para sa pag-iwas, maagang pagtuklas, paggamot, at rehabilitasyon ng lupus, pati na ang pagpapalawak ng kaalaman ng publiko at pangangalaga sa karapatan ng mga may lupus.
Kasama rin sa panukala ang pagtatatag ng Center for Lupus and Autoimmune Diseases bilang pambansang referral at technical center, mandatory training para sa mga healthcare provider, pagbuo ng lupus monitoring system, pagsama ng early detection at screening sa PhilHealth benefits, at ang taunang pagdiriwang ng National Lupus Awareness Week tuwing unang linggo ng Mayo. RNT (larawan ni Cesar Morales)


![[Pic] February 4, 2026 - Camille Villar Pushes Life-Saving Health Reforms as Senate Approves Bills on Final Reading (2)](https://remate.ph/wp-content/uploads/2026/02/Pic-February-4-2026-Camille-Villar-Pushes-Life-Saving-Health-Reforms-as-Senate-Approves-Bills-on-Final-Reading-2-640x426.jpg)





