Home NATIONWIDE Framework sa PH natural resource regeneration ipinanukala ng NRDC

Framework sa PH natural resource regeneration ipinanukala ng NRDC

219
0

MANILA, Philippines — Nanawagan ang state-run Natural Resources Development Corporation (NRDC) ng isang pambansang paninindigan sa community engagement bilang mahalagang bahagi ng iminungkahing balangkas para sa pagbabagong-buhay at pangangalaga ng likas-yaman ng Pilipinas.

Inilahad ng NRDC—isang government-owned and -controlled corporation sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang panukalang framework sa ginanap na 4th Asia Stands for Asia Pacific Association of Methodist Related Educational Institution (APAMEI) Conference sa Pasay City.

Ayon kay NRDC President at CEO Benjamin Turgano, hindi lamang paghahatid ng kaalaman ang papel ng edukasyon kundi ang paghubog ng mga indibidwal at institusyong may kakayahang maging responsableng tagapangalaga ng kalikasan.

Aniya, nagiging makabuluhan ang edukasyon kapag nakaugnay ito sa mga komunidad at nagbubunsod ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor para sa pangmatagalang sustenabilidad.

Binanggit ni Turgano na layon ng NRDC na ipuwesto muli ang ahensya sa pamamagitan ng tinawag na “Seven-Pillar Convergence Agenda,” na nakatuon sa pagtugon sa mga ugat ng sigalot sa pamamagitan ng rehabilitasyon, inklusibidad at magkatuwang na pananagutan.

Kabilang sa pitong haligi ang: Climate Commitment and Carbon Stewardship; Renewable Energy Acceleration; Marine Protection and Eco-Tourism Development; Water Resource Restoration; Ecosystem Rehabilitation and Mining Damage Recovery; Circular Waste-to-Energy Solutions; at Environmental Enterprise Incubation.

Kasabay nito, iminungkahi rin ng NRDC ang pagbuo ng National Sustainability and Regeneration Coalition (NSRC) na magsisilbing plataporma para sa koordinasyon, pondo, inobasyon at pangmatagalang pamamahala ng mga proyektong pangkalikasan.

Ayon kay Turgano, ang nasabing koalisyon ay dapat magtakda ng iisang pamantayan, tukuyin ang mga prayoridad na lugar para sa rehabilitasyon, at maglatag ng malinaw na layunin at hangganang etikal.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng joint secretariat ang NSRC para sa pagpapatupad ng mga estratehiya, habang ang mga regional cluster ay makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, pamantasan, organisasyong pangkomunidad at civil society upang matiyak ang epektibong implementasyon ng mga programa.

“We should start with healing—hindi lang pag-aayos ng nasirang kalikasan kundi ang paglikha ng mga bagong sistemang magbibigay-buhay at magtitiyak na ang susunod na henerasyon ay makikinabang sa isang naibalik at masiglang kapaligiran,” ani Turgano.

Noong Hunyo 2025, una nang hinimok ni Turgano ang mga delegado ng Climate Solutions Forum sa Cebu na suportahan ang plano ng NRDC para sa regenerative development sa bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here