MANILA, Philippines – Patay ang dalawang pulis sa shootout na naganap sa pagitan ng mga awtoridad ang mga drug suspek sa anti-illegal drugs operation sa Barangay Crossing Simuay sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Biyernes, Nobyembre 15.
Kinilala ni Lt. Col. Jopy Ventura, spokesperson ng Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM), ang napatay na mga pulis na sina Corporal Kirt Siin at Patrolwoman Roselyn Bulias, kapwa mula sa Provincial Drug Enforcement Group (PDEG).
Sugatan naman sina Patrolmen Jonel Ramos at Eddie Sugarol, na mula rin sa PDEG.
Ani Ventura, sugatan ang dalawa sa mga suspek na sina Sohud Kasim at Ting Katulangan.
Mahigpit na binabantayan ang mga sugatang suspek habang nasa ospital.
Sa naturang operasyon ay nakumpiska ang halos isang kilo ng shabu na tinatayang nasa P6.8 milyon ang halaga.
Nagpapatuloy naman ang manhunt sa dalawa iba pang nakatakas na mga suspek. RNT/JGC