MANILA, Philippines – Binuksan ang mga simbahan sa Sorsogon para sa mga lilikas sa pananalasa ng Bagyong Pepito.
Sa memorandum circular nitong Biyernes, Nobyembre 15, inatasan ni Bishop Jose Alan Dialogo ang mga Parokya na gawing evacuation centers ang kanilang mga simbahan kabilang ang barangay chapels, para sa mga evacuees mula sa highly vulnerable areas.
“I urge all vicariates, parishes, the religious, and the faithful to take proactive steps to mitigate the impact of the typhoon on lives and properties,” ani Dialogo.
Inatasan din ng Obispo ang mga parish “to check the structural integrity of their buildings” para masiguro ang kaligtasan ng mga evacuee.
Available din ang mga basic supply at first aid kits para sa mga evacuee.
Magsisilbing diocesan center ng operasyon ang auditorium ng Our Lady of Peñafrancia Seminary High School Deparment sa Sorsogon City kung saan gagawin ang relief packing at lahat ng transaksyon.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang evacuees sa Our Lady of the Pillar Parish sa Pilar maging ang San Antonio De Padua Parish sa Polot, Bulan. RNT/JGC