MANILA, Philippines – Pansamantalang inihinto ng pulisya ang operasyon ng isang rehistradong small scale coal mine sa Naga City, Cebu matapos ang aksidenteng ikinasawi ng isang minero nito.
Ayon kay Police Chief Master Sergeant Jake Catane, Naga Police Station investigator, inihinto ang operasyon ng coal mine habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang minero.
Sa impormasyon, nagtatrabaho ang tatlong minero sa loob ng coal mine shaft na nasa isang daang metro ang lalim.
Bandang alas-6 ng umaga ng Biyernes, Nobyembre 15, bumigay ang bahagi ng shaft at nahulog ang mga bato kung saan nabagsakan ang mga minero na nasa ilalim nito.
Tinamaan ng bumagsak na bato ang isa sa mga minero na dahilan ng kamatayan nito.
Kinilala ang biktima na si Robert Abalorio, 27-anyos, ng Barangay Uling, Naga City.
Sugatan din sa aksidente ang kasamahan nitong si Fernando na agad dinala sa ospital para gamutin.
Nagawa naming makalabas ng ligtas ng ikatlong minero. RNT/JGC