MANILA, Philippines – Ilang linggo matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine na nagdulot ng maraming pagkasawi, handa na ang Laurel, Batangas na magpatupad ng forced evacuation sa mga residente mula sa high-risk areas bago pa tumama ang Bagyong Pepito.
Nakipagkita si Laurel Mayor Lyndon Bruce sa mga opisyal para planuhin ang paglilikas sa mga residente mula sa Boso-Boso, Gulod, Bugaan West, Bugaan East, Poblacion 5, Poblacion 3, Poblacion 2, Poblacion 4, at Leviste, ayon kay disaster office head Venus Alilio.
“Kami po ay doble na ang paghahanda dahil sa nangyari sa Kristine ay kumbaga ang mga tao ay talagang naging aware… Kami po ay naghahanda para maiwasan na ang masamang insidente,” ani Alilio.
Dadalhin ang nasa 500 pamilya sa pitong evacuation centers, habang ang nasa 2,000 pamilya ay tutuloy pansamantala sa kanilang mga kaanak.
Ang mga tatangging lumikas ay isasama ng mga pulis.
“Ifo-forced evacuate kasama po ang mga pulis at ang mga uniform personnel para po talagang sila ay maialis sa delikadong lugar,” dagdag ni Alilio.
Matatandaan na 10 katao ang nasawi sa Laurel, Batangas sa pananalasa ng Bagyong Kristine dahil sa matinding pagbaha at landslide.
Nagdulot din ito ng mahigit P1 bilyong pinsala sa ari-arian sa nasabing bayan. RNT/JGC