MANILA, Philippines – Inilagay ang Visayas grid sa yellow alert sa loob ng tatlong oras ngayong Biyernes, Hunyo 5, dahil sa mataas na demand at unavailability ng ilang power plant.
Sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang yellow alert ay epektibo mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Sinabi ng grid operator na ang available capacity ay inaasahan sa 2,608 megawatts (MW), habang ang peak demand ay aabot sa 2,379 MW.
Ayon sa NGCP, nasa kabuuang 25 power plant ang unavailable o nag-ooperate sa bawas na kapasidad dahilan para maging unavailable sa grid ang 929.8 MW.
Nasa walong power plant ang naka-forced outage ngayong buwan, habang walo ang out noon pang Mayo 2026.
Isang planta ang nasa outage mula March 2026 at tatlong planta ang nananatiling offline mula 2025, dalawa mula 2024, dalawa mula 2023 at isa mula 2021,
Dagdag pa rito, mayroong 11 power plant ang nag-ooperate sa derated capacities.
Ang deklarasyon ng yellow alert ay dahil sa unavailability ng malalaking coal-fired power plants TVI 1, TVI 2, at PEDC 3, maging ang inaasahang mataas na demand ng kuryente.
“A yellow alert is issued when the operating margin is insufficient to meet the transmission grid’s contingency requirement,” ayon sa NGCP. RNT/JGC