MANILA, Philippines – Pinasinungalingan ng chairman ng House Committee on Good Government ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na isang beses lang itong inimbita sa imbestigasyon kaugnay ng kuwestyunable paggastos nito sa P612.5 milyong confidential fund.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, nagsikap ang komite na maibigay kay Duterte ang imbitasyon sa pagdinig.
“The committee has gone above and beyond to make sure she has every opportunity to present her side,” ayon kay Chua.
Nilinaw ni Chua na si VP Sara ay inimbitahan sa unang at ikalawang pagdinig na ginanap noong Setyembre 18 at 25.
“She declined to attend the third, fourth, and fifth hearings scheduled on Oct. 17, Nov. 5, and Nov. 11, after submitting a formal letter stating she would not be present,” giit ni Chua.
Sa liham na may petsang Setyembre 23 na ipinadala kay Chua, tumangging dumalo si Duterte sa mga sumunod na pagdinig, binanggit ang mga isyung konstitusyonal at sinabing hindi na kailangan ang imbestigasyon dahil maaaring beripikahin ang mga paratang sa pamamagitan ng mga pampublikong rekord.
Pinuna rin ni Duterte ang mga panuntunan ng Kamara, na aniya ay posibleng nilalabag ang mga karapatang itinakda ng Konstitusyon.
Sa pagdinig ng House Quad Committee noong Miyerkules, kung saan dumalo ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, personal na ibinigay kay VP Sara ang imbitasyon para sa ika-anim na pagdinig na nakatakda sa Nobyembre 20.
Subalit, sa isang press conference sa Senado noong Huwebes, sinabi ni Duterte na wala siyang natanggap na iba pang imbitasyon matapos dumalo sa unang pagdinig.
Sa unang pagdinig noong Setyembre 18, tumanggi si Duterte na manumpa na magsasabi ng totoo kaya hindi na nag-atubili ang mga kongresista na siya ay tanungin.
“The Vice President has been given every opportunity to clarify the use of public funds in her office, particularly those that are shielded from typical auditing processes due to confidentiality,” ayon kay Chua.
Sa nalalapit na pagdinig sa Nobyembre 20, iginiit ni Chua na ito ay isang mahalagang pagkakaton para kay Duterte na diretsahang sagutin ang mga tanong ng komite.
“We have done our part to ensure she has a platform to address these issues in full view of the public. Now, the choice is hers: attend and clarify, or refuse and raise further doubts,” paliwanag nito.
Sa kanyang press conference noong Biyernes, ipinahayag ni Duterte na hindi na siya dadalo sa mga susunod na pagdinig at balak na lamang magsumite ng affidavit tungkol sa confidential funds ng kanyang tanggapan, na ayon sa kanya ay magiging “under oath.
Sinabi ni Chua na susuriin ng komite ang affidavit kung ito ay kanyang isusumite, ngunit mas mainam na dumalo siya nang personal upang linawin ang mga isyu.
“We will examine her affidavit if she formally submits it. However, we would prefer her appearance before the committee to clarify all matters related to her confidential funds,” pagtatapos pa nito. Gail Mendoza