Home METRO 2 pasaway kalaboso sa pananakot ng baril sa Makati

2 pasaway kalaboso sa pananakot ng baril sa Makati

MANILA, Philippines – Nalambat ng mga tauhan ng Poblacion police Sub-station ang dalawang suspek na armado ng baril at naghahasik ng takot sa mga residente sa Makati City Linggo ng madaling araw, Hunyo 30.

Sa report ng Makati City police sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang dalawang arestadong suspek na sina alyas Aidzel, 22 at isang alyas Marc, 20.

Base sa imbestigasyon ng Makati City police, naganap ang pag-aresto sa mga suspek dakong alas 3:10 ng madaling araw sa panulukan ng Salamanca at Eduque Streets, Brgy. Poblacion, Makati City.

Napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang Poblacion Sub-station tungkol sa dalawang lalaking armado ng baril na naghahasik ng takot sa nabanggit na lugar.

Agad na nirespondehan ng mga tauhan ng Poblacion police Sub-station ang naturang tawag at pagdating sa lugar ay inabutan at sinita ng mga ito ang dalawang suspek.

Mabilis namang nadisarmahan ang mga suspek kung saan nakuha sa kanilang poseyon ang isang kalibre .38 rebolber na kargado ng anim na bala at isang granada.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay pansamantalang nasa pangangalaga ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Makati City police habang ang mga suspects ay kasalukuyan namang nakapiit sa custodial facility habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong RA 10591 (illegal possession of firearms and ammunition) laban sa kanila sa Makati City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan