Home METRO 2 patay, 3 sugatan sa banggaan ng tatlong sasakyan sa Ilocos Sur

2 patay, 3 sugatan sa banggaan ng tatlong sasakyan sa Ilocos Sur

ILOCOS SUR- Patay ang dalawang lalaki samantalang tatlong iba pa ang sugatan sa banggaan ng tatlong sasakyan sa national highway sa Brgy. Gabur Sur, Sta. Cruz ng lalawigang ito kaninang madaling-araw.

Dead-on-arrival sa ospital ang driver ng Fuso closed van at Honda XRM motorcycle samantalang nagtamo naman ng minor injury ang driver ng Fuso truck.

Kinilala ng Sta. Cruz Municipal Police Station ang driver ng Fuso closed van na si Michael Delos Santos Saydawan, 53, may asawa, residente ng Itogon, Baguio City.

Ang driver ng motorsiklo ay kinilalang si Rodulfo Hafalla Hafalla, nasa hustong edad, may asawa, residente ng Brgy. Paratong, Sta. Cruz, Ilocos Sur.

Kinilala naman ang driver ng Fuso truck na si Mariel Collaga Rosal, 38, may asawa, residente ng Brgy. Guam, Catablan, Urdaneta City, Pangasinan.

Base sa imbestigasyon, ang Fuso truck ay bumibiyahe papuntang hilagang direksyon habang ang Fuso closed van naman ay patungong timog na direksyon samantalang ang motorsiklo ay nasa west shoulder ng kalsada at bumibiyahe rin ito patungong timog na direksyon.

Pagdating sa pinangyarihan ng aksidente, nasakop umano ng Fuso closed van ang lane ng Fuso truck kaya nagkasalubong ang dalawang sasakyan at nagbanggaan.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng Fuso truck kaya nabangga nito ang motorsiklo at pagkatapos ay bumangga ito sa concrete barrier.

Sugatan din sa naturang aksidente ang kasama ni Saydawan na si Mark Johnniel Madarang Marzo, 27, walang asawa, residente ng Brgy. Carcarabasa, San Gabriel, La Union at ang dalawang kasama ni Rosal na sina Arnel Lacadin Inaldo, 33, walang asawa, residente ng Brgy. Lunec, Malasiqui, Pangasinan at Herbert Vadil Bautista, 39, may asawa, residente ng Brgy. #63 Palua, Mangaldan, Pangasinan. Rolando S. Gamoso