Home NATIONWIDE Benepisyo ng mga guro, ‘back to basics’ curriculum tututukan ni DepEd chief...

Benepisyo ng mga guro, ‘back to basics’ curriculum tututukan ni DepEd chief Angara

MANILA, Philippines – Tututukan ni incoming Education Secretary Sonny Angara ang pagpapasimple ng curriculum at pagpapabuti ng mga benepisyo ng mga guro.

Ani Angara, sinusuri niya ang Matatag curriculum na ipinakilala ng sinundang si Vice President Sara Duterte na layong padaliin ang learning competencies.

“Dapat back to basics lang ho tayo,” sinabi ni Angara sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

“Tama ang direction ng Matatag curriculum… Dapat huwag tayong pabigla-bigla; i-maintain natin yung ating direksyon na simplify ang curriculum,” dagdag niya.

Sinabi rin ng incoming DepEd chief na tututukan nito ang pagbawas sa non-teaching tasks ng mga educator at palakasin ang kanilang access sa financial institutions.

“Very distracted sila sa dami ng kanilang ginagawa. Kaya maganda yung instruction ng Pangulo sa atin na mag-focus sa pagtuturo at ayusin din yung kanilang mga benepisyo para inspired at saka motivated sila,” ani Angara.

“Tinitingnan natin yung benepisyo nila… For example, yung mga nakukuha nilang loan, minsan natatali sila d’yan nang matagal at mataas ang interes. Pag-aralan natin, tapos kausapin natin yung ibang financial institutions ng gobyerno…na nagpapautang nang mura sa mga negosyante. Dapat may access din sila dito o preferential treatment,” pagpapatuloy niya.

Nang tanungin naman ang posibleng pagtataas ng sahod ng mga guro, sinabi ni Angara na, “I am confident in the next few years — hindi ko lang alam kung this year or next year — magkakaroon ‘yan ng pagtaas ng sweldo ng ating teachers.”

Papalitan ni Angara si Duterte bilang Education Secretary sa pag-iral ng resignation nito sa Hulyo 10.

Siniguro naman ng Department of Education (DepEd) na hindi maaapektuhan ng pagbibitiw ni Duterte ang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Hulyo 29. RNT/JGC