MANILA, Philippines- Patay ang dalawang indibidwal habang sugatan naman ang tatlo pang iba matapos gumuho ang bagong lagay pa lamang na sementong sahig sa ikalawang palapag ng under renovation na water refilling station sa Pasay City nitong nakaraang Miyerkules (Mayo 28), ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ni ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga nasawi na sina alyas Epifanio, 57, construction worker, at alyas Felicisimo, 63, na parehong idineklarang dead on arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH).
Ang isa sa mga sugatan na si alyas Leonardo, 55, ay isinugod din sa PCGH habang ang dalawa pang sugatan na sina alyas alyas Melvin, 28, at alyas Richard, 33, ay dinala naman sa Taguig-Pateros District Hospital upang mabigyan ng lunas ang mga sugat na kanilang tinamo sa insidente. Pawang mga construction worker ang mga naiulat na sugatan.
Base sa report na natanggap ni De Sesto, naganap ang insidente dakong alas-3:55 ng hapon sa Eureka Purified Drinking Water Station na matatagpuan sa Access Merville Road, Barangay 201, Pasay City.
Base sa salaysay ni alyas Melvin, habang kanyang inilelebel ang bagong buhos na semento na magsisilbing sahig sa ikalawang palapag ng gusali ay bigla na lamang bumigay ang mga suportang kahoy sa ibinuhos na semento kung saan tuluyan na itong gumuho at natabunan ang apat pa niyang kasamahan sa unang palapag na nasa ilalim nito na nagresulta ng agarang pagkamatay ng dalawang biktima na sina alyas Epifanio at alyas Felicisimo. James I. Catapusan