Home NATIONWIDE 2 patay, 6 nasagip sa banggaan ng tugboat at barko

2 patay, 6 nasagip sa banggaan ng tugboat at barko

MANILA, Philippines – Dalawa ang patay habang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang anim na crew matapos magbanggaan ang Philippine flagged-tugboat at Panamanian-flagged vessel sa bisinidad baybayin ng Maasim, Sarangani Province nitong Marso 25.

Nagdeploy ang PCG ng apat na floating assets lulan ang mga rescue divers at response teams upang magsagawa ng search and rescue (SAR) operation.

Ang tugboat na M/TUG Sadong 33 ay lulan ang walong crew nang mangyari ang insidente.

Anim sa kanila ang nakaligtas sa banggaan ngunit iniulat ng SAR team na narekober ang dalawang bangkay– ang kapitan at oiler ng tugboat.

Agad namang binigyan ng medikal na atensyon ng coast guard medical personnel ang mga nakaligtas at kinumpirma na sila ay nasa maayos nang kalagayan

Negatibo naman ang resulta ng isinagawang inisyal na oil spill assessment ng Coast Guard marine environmental protection personnel.

Gayunman, naglagay pa rin ng oil spill booms upang masiguro na protektado ang marine environment at ligtas ang kalapit na coastal communities.

Inatasan na ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil L Gavan PCG, ang Coast Guard District Southern Mindanao (CGDSM) na makipag-ugnayan sa Harbor Star Salvage Company para sa pag-salvage sa M/Tug Sadong 33 at ang agarang pagsasagawa ng Maritime Casualty Investigation (MCI).

Inatasan din ni Gavan ang Coast Guard legal officers na hawakan ang paghahain ng kaukulang kaso laban sa master at crew ng MV Universe Kiza.

Sa pagtatanong, sinabi ng mga nakaligtas na hinihila ng M/TUG Sadong 33 ang LCT Sea Asia mula Glan, Sarangani Province patungo sa Iligan City gamit ang humigit-kumulang 50 hanggang 100 metrong towing rope.

Habang tumatakbo, dumaan sa pagitan nila ang MV Universe Kiza kaya nasira ang towing rope at humantong sa pagtaob ng M/TUG Sadong 33.

Nananatili sa katubigan ang LCT Sea Asia habang nagpatuloy sa paglalayag ang MV Universe Kiza patungong General Santos City kung saan mag-aangkurahe ito sa Anchorage Area ng nasabing probinsya para makipag-ugnayan sa MCI.

“We express our sincere condolences to the bereaved families. Rest assured that your Coast Guard will do its best to investigate and resolve the case. We remain steadfast in our commitment to ensuring maritime safety, safeguarding lives, and protecting the rich marine environment within the country’s maritime jurisdiction,” pahayag ni Admiral Gavan. Jocelyn Tabangcura-Domenden