ILOCOS SUR- Dalawa ang patay sa nangyaring aksidente sa kalsada sa national highway sa Brgy. Jordan, Sinait ng lalawigang ito kagabi.
Ang nangyaring aksidente ay kinasasangkutan ng isang Sym Bonus motorcycle, isang Nissan Urvan at Yamaha Sniper motorcycle.
Kinilala ng Tagudin Municipal Police Station ang driver ng Sym Bonus motorcycle na si Leobert Ilar Noriel, 24, walang asawa, residente ng Brgy. Cabulalaan, Sinait, Ilocos Sur.
Kinilala naman ang driver ng Nissan Urvan na si Jerome Paez Sanchez, 37, walang asawa, residente ng Miyamot, Antipolo, Rizal samantalang ang driver ng Yamaha Sniper ay kinilalang si Edmund Alarde Villapaz, 31, walang asawa, collector ng Nueva Segovia, residente ng Bayubay Sur, San Vicente, Ilocos Sur.
Sa imbestigasyon, ang Sym Bonus motorcycle at ang Nissan Urvan ay parehong patungong hilagang direksyon.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente ay nag-overtake ang Sym Bonus motorcycle sa Nissan Urvan na eksakto naman sa pagdating ng Yamaha Sniper na papunta ng kabilang direksyon kaya nagkasalubong at nagbangga ang dalawang sasakyan.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang driver ng Yamaha Sniper at aksidenteng nabangga ng Nissan Urvan.
Parehong nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang driver ng Sym Bouns motorcycle at Yamaha Sniper.
Ang driver ng Sym Bonus motorcycle ay agad na isinugod sa Corpuz Clinic Hospital ng mga rumespondeng MDRMMO, BFP at PNP personnel ngunit idineklarang dead-on-arrival ng umatending ddoktor samantalang ang driver ng Yamaha Sniper ay isinugod rin sa Sto. Cristo Milagroso Hospital ng mga rumespondeng MDRMMO, BFP at PNP personnel ngunit idineklarang dead-on-arrival din ng umatending doktor.
Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng Nissan Urvan. Rolando S. Gamoso