MANILA, Philippines- Ganap na tutugunan sa implementasyon ng ‘Excellence in Teacher Education Act’ (Republic Act No. 11713) ang hindi pagkakatugma ng mga kursong tinapos ng guro sa subject na itinuturo sa paaralan.
Inihayag ito ni Senador Win Gatchalian matapos iulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na 62% ng high school teachers ang nagtuturo ng subject na hindi batay sa tinapos nilang kurso sa kolehiyo.
Ilan sa mga dahilan sa naturang mismatch ang kakulangan sa mga guro na may kinakailangang specialization sa mga subject. Ayon kay EDCOM II Executive Director Karol Mark Yee, hindi ipinapaalam sa mga aplikante ang mga subject na ituturo sa proseso ng hiring.
Maliban sa pagreporma sa proseso ng hiring, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat nang umusad ang Teacher Education Council (TEC) sa pagtupad ng mandato nito upang matiyak na sapat ang mga kwalipikadong guro sa paaralan.
Layunin ng Excellence in Teacher Education Act na iangat ang kalidad ng edukasyon at training ng mga guro sa pamamagitan ng mas pinaigting na ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC).
Kabilang sa mandato ng TEC ang pagbalangkas ng teacher education roadmap na isusumite sa CHED upang maging bahagi ng national higher education roadmap, ang pagtatalaga ng mga pangunahing pamantayan para sa mga teacher education programs, ang rekomendasyon ng mga polisiya sa pag-hikayat ng mga mag-aaral sa high school na kumuha ng kurso sa edukasyon, at ang pagtiyak sa maayos na pagpasok sa trabaho mula kolehiyo hanggang sa pagtuturo.
“Ngayong tinutugunan natin ang mga hamon sa sektor ng edukasyon, mahalagang tiyakin natin na nakakatanggap ng dekalidad na edukasyon at pagsasanay ang ating mga guro na humuhubog ng kaalaman at katangian ng mga mag-aaral,” ayon sa senador.
“Kasabay nito, dapat tiyakin din nating itinuturo nila ang mga paksang naaayon sa kanilang larangan ng espesyalisasyon,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education. Ernie Reyes