Home OPINION ASAHANG BABABA ANG PAMASAHE SA EROPLANO SA OKTUBRE 2024

ASAHANG BABABA ANG PAMASAHE SA EROPLANO SA OKTUBRE 2024

Magandang balita sa mga madalas magbiyahe at sa mga nagbabalak magbakasyon sa probinsya ngayong Kapaskuhan, nakatakdang bumababa ang presyo ng pamasahe sa eroplano mula sa October 2024 dahil sa pagbaba ng fuel surcharge sa pinakamababa nitong halaga simula noong August 2023.

Sa isang advisory, sinabi ng Civil Aeronautics Board (CAB) na ang fuel surcharge ay ibinaba sa level 4 epektibo ngayong October 2024 mula sa kasalukuyang level 5.

Ang pasahero ay nagbabayad ng halagang Php 117.00 hanggang Php 342.00 sa domestic flight at mula Php 385.70 hanggang Php 2,867.82 sa international flights sa ilalim ng level 4 fuel surcharge.

Higit itong mababa kumpara sa level 5 rates na Php 151.00 hanggang Php 542 sa domestikong paglipad, at Php 498.03 hanggang Php 3,703.11 sa biyaheng abroad.

Ang fuel surcharges ay karagdagang binabayaran ng mga airlines para makabawi sa halaga ng fuel, hiwalay pa ito sa base fare na binabayaran ng mga pasahero. Nagpapalit sa level 5 at level 6 ang antas ng fuel surcharge nitong unang bahagi ng taon.

Sa ipapatupad na level 4, ang isang pasahero na patungong Caticlan, Legazpi City, Kalibo, at Roxas City, may adisyunal lamang na Php 184.00 o mas mababa sa Php 238.00 ngayong September 2024. Ang mga bibiyahe naman patungong Laoag, Iloilo City, Bacolod city, Cebu City, at Puerto Princesa city ay magbabayad ng Php 232.00 lamang mula sa dating Php 316.00.

Mangongolekta ang airline companies ng fuel surcharge na Php 296.00 na lamang mula sa kasalukuyang Php 418.00 para sa mga biyahe patungong Dumaguete, Tagbilaran City, Siargao, at Cagayan, at Php 318.00 mula sa ngayong Php 487.00 sa Zamboanga City, Cotabato City, at Davao City.

Sa mga biyahe patungong Taiwan, Hong Kong, Vietnam, at Cambodia, ang fuel surcharge ay magiging Php 385.70 mula sa Php 498.03. Bumaba rin ang patungong China, Php 523.68 mula sa Php 676.20, habang ang biyaheng Singapore, Thailand, at Malaysia na bababa sa Php 533.42 ang fuel surcharge mula sa Php 688.79.

Halagang Php 600.00 naman mula sa Php 774.75 ang ka­ragdagang singil sa Indonesia, Japan at South Korea. Ang Australia at Middle East ay Php 1,327.14 mula sa Php 1,713.68; at ang North America at United Kingdom na magiging Php 2,731.26 mula sa dating Php 3,526.77.

Eksakto ang pagbaba ng fuel surcharge lalo pa’t marami ang bibiyahe patungong mga probinsya sa nalalapit na Undas at Kapaskuhan.

Isa pang magandang balita, magsisimula na rin sa October 2024 ang biyahe ng Philippine Airlines na Manila-Seattle na tatlong beses bawat Linggo, para rin ito sa mga nasa Washington D.C., at Oregon. Mayroong biyahe ang PAL patungong Los Angeles, San Francisco, New York, Honolulu, at Guam.

Mag-uumpisa rin ang mga biyahe ng Cebu Pacific patungong Cebu-Osaka, Iloilo-Singapore, Iloilo-Hong Kong, Manila-Chiang Mai, at Davao-Bangkok.

Madaragdag naman ang rutang Manila-Nagoya sa nililiparan ng AirAsia Philippines na Tokyo at Osaka.
Ang international carrier na United Airlines ay sisimulan ang biyaheng San Francisco-Narita-Cebu habang ang Qantas Airways naman magseserbisyo sa biyaheng Brisbane-Manila. Mula naman December 2024 ay magsisimula na rin ang direktang biyahe na Manila-Paris.

Sa datos, mayroong 29 million pasahero ang bumiyahe sa iba’t ibang paliparan sa bansa habang nasa 25 million naman ang international passengers.