Home METRO 2 patay sa araro ng fuel tanker sa food cart sa NegOcc

2 patay sa araro ng fuel tanker sa food cart sa NegOcc

1
0

VALLADOLID, Negros Occidental — Patay ang isang 36-anyos na vendor at 17-anyos niyang kasama matapos araruhin ng fuel tanker ang kanilang food cart sa boulevard ng Valladolid, Negros Occidental noong Hulyo 5, 2026.

Batay sa imbestigasyon ng Valladolid Police, nasawi ang may-ari ng cart na si Ramilie matapos mabangga ng truck, habang namatay naman sa ospital ang menor de edad na kasama niyang si Hannah dahil sa tinamong pinsala sa ulo. Halos madurog ang food cart dahil sa lakas ng impact.

Ayon sa pulisya, hindi umano nakontrol ng driver ng fuel tanker na kinilalang si Dionesio ang sasakyan.

“Ang fuel tanker truck ay mula sa south papunta sa north. Hindi niya na-control and manibela, napunta siya sa kaliwa at nabangga niya ang food cart,” ayon kay PMS Eduardo Combong, investigator ng Valladolid Municipal Police Station.

Sinabi ni Dionesio na bigla umano siyang nakatulog bago nangyari ang banggaan.

“Hindi ko alam. BIgla na lang pumikit ang aking mata kaya, iyon, bumangga. Humihingi ako ng tawad. Hindi ko naman gustong mangyari ang bagay na iyon,” aniya.

Nahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Labis namang nagdadalamhati ang ina ni Hannah na si Gigi, na nagsabing walang anumang halaga ang makatutumbas sa buhay ng kaniyang anak.

“Tulungan niyo ako na makayanan ko ito. Hindi mabayaran ng kahit anong ibigay nila ang buhay ng aking anak,” aniya.

Pansamantala namang ipinagbawal ng mga awtoridad ang pagtitinda at iba pang economic activities sa bahagi ng boulevard kung saan nangyari ang insidente.

“I-suspend muna ang lahat ng economic activities diyan sa may boulevard. I-evaluate at i-review natin ang lahat ng plans,” ayon kay Mayor Ricardo Presbitero, Jr. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here