Home HOME BANNER STORY 2 patay sa landslide sa Sorsogon

2 patay sa landslide sa Sorsogon

258
0

MANILA, Philippines — Dalawang katao ang nasawi habang lima ang nakaligtas sa landslide na naganap sa Barangay Bariis, Matnog, Sorsogon pasado alas-12 ng madaling araw nitong Enero 17, 2026.

Ayon kay Ed Tumangan, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) ng Matnog, natutulog ang pitong katao sa loob ng bahay nang gumuho ang lupa at madaganan ng malalaking bato at bahagi ng pader ang dalawang biktima.

Inabot ng halos limang oras ang retrieval operation dahil sa laki ng mga batong tumabon sa mga biktima, at pasado alas-7 na ng umaga nang tuluyang makuha ang kanilang mga labi.

“Pitong katao po ang nasa loob ng bahay. Lima ang nakaligtas at dalawa ang hindi po talaga nakaligtas. Magkatabi po sila sa tulugan at magkatabi rin po nang ma-retrieve,” ani Tumangan.

Kinilala ang mga nasawi bilang isang 22-anyos na lalaki at ang kanyang 19-anyos na kinakasama.

Ayon sa MDRRMO, residente ng Pasig City ang babae at nagtatrabaho umano sa may-ari ng bahay. Hindi naman nasugatan ang limang nakaligtas.

Lumambot umano ang lupa sa lugar dahil sa sunod-sunod na pag-ulan dulot ng shear line nitong mga nakaraang araw.

Nasa paanan ng bundok ang bahay at may batong nasa itaas na tinangkang harangan ng pader, na siya ring bumagsak at dumagan sa mga biktima.

Bagamat hindi kalakasan ang ulan nang mangyari ang insidente, sinabi ni Tumangan na sapat na ang naipong tubig-ulan para magdulot ng pagguho ng lupa. Sa kasalukuyan, pabugso-bugso na lamang ang nararanasang pag-ulan sa Matnog. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here