Home NATIONWIDE Libreng online courses inanunsyo ng UP Open University

Libreng online courses inanunsyo ng UP Open University

235
0

MANILA, Philippines — Inanunsyo ng University of the Philippines Open University (UPOU) ang iskedyul ng kanilang mga libreng Massive Open Online Courses (MOOCs) mula Enero hanggang Hunyo 2026, na may kabuuang 28 self-paced online courses na maaaring kunin ng publiko.

Ayon sa UPOU, ang mga kurso ay inaalok sa pamamagitan ng UPOU MODeL platform at bukas sa sinumang nais matuto nang libre, may kasamang 16-hour electronic certificate matapos makumpleto ang bawat kurso.

Kasama sa listahan ang apat na bagong kurso na tumatalakay sa child behavior management, data annotation para sa BPO professionals, climate information services, at home-based child behavior support.

Sa Enero, tampok ang Basics of Resilience at Hazard and Risk Assessment Fundamentals. Sa Pebrero naman ay ilulunsad ang mga bagong kurso gaya ng Practical Home Behavior Management for Children with Special Needs, Data Annotation for Aspiring BPO Professionals, at Climate Information Services, pati ang Intercultural Communication Japan I.

Maraming kurso sa Marso ang nakatuon sa edukasyon, teknolohiya, biodiversity, project management, at child development, habang sa Abril ay bibigyang-diin ang open distance eLearning, child protection laws, at climate and disaster resilience.

Sa Mayo, aalok ang mga kurso sa quality assurance, blended learning, at Online Mothers’ Class. Sa Hunyo naman ay tampok ang mga kurso hinggil sa child rights protection, entrepreneurship, learner support, at isang bagong kurso sa Internalizing Behaviors among Children and Practical Home Support.

Maaaring magparehistro ang mga interesadong kalahok sa UPOU MODeL platform at mag-self-enroll kapag nagbukas ang enrollment, karaniwang dalawang linggo bago magsimula ang klase.

Paalala ng UPOU, maaaring magbago ang iskedyul ng mga kurso nang walang abiso, habang ang listahan ng mga kurso para sa Hulyo hanggang Disyembre 2026 ay ilalabas sa susunod na panahon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here