MANILA, Philippines – Inalis na ng Coast Guard station sa Surigao del Norte nitong Sabado, Enero 17, ang travel restriction mula sa probinsya patungo sa Cebu at Southern Leyte sa Visayas, at Dinagat Islands sa Mindanao.
Sa sea travel advisory na inisyu nitong umaga ng Sabado, sinabi ni Ensign Roy Christopher Orillaneda, station commander, na hindi na sakop ng tropical cyclone wind signal ang mga nabanggit na lugar dahil sa bagyong Ada.
Sinabi rin ni Orillaneda na inalis na ang sea travel restriction patungo sa tourist destination na Siargao at Bucas Grande islands sa Surigao del Norte.
Matatandaan na pinagbawalan ang pagbiyahe ng mga sasakyang pandagat mula Huwebes ng hapon dahil sa pananalasa ng bagyong Ada.
Bukod sa mga biyahe patungong Siargao at Bucas Grande, regular din na binabagtas ng mga passenger at cargo vessels ang ruta mula Surigao City patungong Visayas at Manila. RNT/JGC