MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Public Works and Highways nitong Sabado, Enero 17 na magkakaroon ito ng pansamantalang solusyon para tapalan ang mga sira-sirang bahagi ng Maharlika Highway mula Quezon patungong Camarines Sur bago ang peak travel season para sa Semana Santa.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, ito ay kasabay ng pagbuo pa sa rehabilitation master plan sa kabuuang Maharlika Highway mula Northern Luzon patungong Mindanao.
Inatasan niya ang mga district engineer sa Camarines Sur na pabilisin ang repair ng outer lane na nasira dahil sa malalakas na ulan dulot ng Tropical Storm Kristine noong 2024 at iba pang mga nagdaang bagyo.
“Alam na natin pagdating ng Holy Week, dagsa ang mga biyahero dito, so yung mga nadaanan natin kahapon na mga nire-reblock, kailangan unang-una matapos lahat yun. Para tuloy-tuloy ang daloy ng traffic, hindi yun nagsasalisi. Kasi pagtama ng Holy Week tapos ganun pa rin, grabe ang magiging perwisyo sa mga kababayan natin,” ani Dizon.
“Tapos yung mga lubak lubak at masasamang parte, I’m finding Undersecretary Lara (Esquibil) to find a temporary solution just to make the ride a little smoother… Gagawin natin ‘to ng mabilisan para lang sa Holy Week, pero after noon talagang pang-malawakan at pang-matagalan na ang gagawin,” dagdag pa nito.
Iginiit ng kalihim na ang pag-aaral kaugnay nito ay isasagawa ng DPWH Central Office, at hindi ng local district o regional offices.
Ito kasunod ng mismong pagbisita ni Dizon sa lugar at daanan ang Maharlika Highway mula Quezon Province patungong Camarines Sur sa Bicol Region at maranasan ang hirap ng mga motorista na binubuno ang kalsada araw-araw.
Tinitingnan ni Dizon ang pangmatagalang solusyon at sinabing mahalaga ang pagpapabuti ng highway sa paglalagay ng mas malalaking drainage systems.
“Tignan mo yung drainage ganun kaliit, pipe lang oh… Yun din by the way ang nangyari sa BuDa (Bukidnon-Davao) Road. Kaya yun bumigay o nagcollapse, dahil nga walang tamang cross drainage infrastructure. Nag-iipon yung tubig sa ilalim at sa tagal ng panahon bumibigay yung lupa,” aniya.
“The best way to approach this is kailangan natin iplano nang mabuti with the help of Japanese consultants,” dagdag ni Dizon. RNT/JGC