CEBU CITY- Patay ang dalawang katao matapos barilin ng naghuhurumintadong kapitbahay, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Nicardo Nombrado, 59, at George Kyle Lucas, 39, retired US Navy kapwa residente ng Lucas Compound, Bayabas Extension, Barangay Punta Princesa, ng nasabing lungsod.
Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Kevin Asia, 30, at nakatira sa nasabing lugar.
Batay sa report ng Labangon Police Station, bandang alas-7:50 ng gabi noong Pebrero 18, 2025 naganap ang krimen sa nabanggit na lugar.
Ayon kay Police Major Timothy Jim Romanillos, hepe ng Labangon Police Station, pumasok ang suspek sa loob ng naturang compound at pinalabas ito ng mga residente dahil hindi nila ito kilala.
Sa halip na lumabas ang suspek nagwala ito kaya naglabas ng baseball bat si Nombrado para itaboy palabas si Asia na lalong ikinagalit ng huli at inagaw nito ang baseball bat sa una saka pinagpapalo ang mga residente.
Dahil sa gulong naririnig ni Lucas lumabas ito ng bahay bitbit ang baril at binaril ang suspek sa paa para ito mitumba.
Subalit, lalong naging agresibo ang suspek at naagaw nito ang baril kay Lucas saka binaril niya sa leeg ganun din si Nombrado na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.
Dito na dinamba ng mga residente ang suspek at pinagtulungan bugbugin na nagresulta sa pagkakadakip nito.
Sa pahayag ng mga kapitbahay, lulong umano sa ilegal na droga at online gambling ang suspek simula mamatay ang asawa nito noong nakalipas na taon.
Nahaharap ngayon sa kasong double murder ang suspek. Mary Anne Sapico