Home NATIONWIDE 2 patay sa pamamaril ng pulis sa inuman sa Cotabato

2 patay sa pamamaril ng pulis sa inuman sa Cotabato

MANILA, Philippines – Patay ang dalawang drayber habang sugatan ang kasamahan nila matapos na mamaril ang isang pulis habang nag-iinuman sa isang videoke bar sa national highway sa Kabacan, Cotabato nitong Sabado, Agosto 31.

Nangyari ang insidente ala-1 ng madaling araw sa Osias villages.

Tinukoy ni Major Maxim Peralta, Kabacan police chief, ang mga biktima na sina Akmad Ali Salimula, 40, at Mama Sandigan, 40, kapwa residente ng Central Malamote, Matalam at parehong drayber ng bus.

Ginagamot naman sa ospital ang kasama nilang si Norhan Katom Makakua, 25, konduktor ng bus.

Samantala, kinilala ng pulisya ang suspek na si Police Captain Romel Magdato Guhiling, 47, ng Midsayap.

“All of the victims were inside a videoke bar together with the suspect who was seated at the next table. According to the witness, an altercation suddenly happened until Guhiling shot them,” ani Peralta.

Inaalam pa ng pulisya ang sanhi ng mainitang argumento ng mga sangkot.

“The police-suspect was alone in the bar when the incident happened,” dagdag ni Peralta.

Narekober sa crime scene ang 12 cartridges ng 9mm pistol.

Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na nasa custodial facility na ng Kabacan police station. RNT/JGC