MANILA, Philippines – Inihain ang reklamong robbery sa provincial prosecutor’s office sa Malolos nitong Biyernes, Agosto 30 laban sa tatlong pulis na nagnakaw ng cash at iba pang mahahalagang gamit na nagkakahalaga ng mahigit P30 milyon mula sa tirahan ng isang negosyante.
Kinilala ni Police Lt. Col. Satur Ediong, officer-in-charge ng Bulacan Provincial Police Office, ang mga respondents na sina
Police Staff Sgt. Anthony Ancheta, 48, nakatalaga sa Malolos police; Police Maj. Armando Reyes ng Hagonoy municipal police station; at Police Senior Master Sgt. Ronnie Galion, 43, mula sa Sta. Maria municipal police station.
Inaresto ng mga awtoridad ang tatlo sa operasyon bandang alas-9 ng gabi nitong Miyerkules 12 oras matapos na ransakin ng mga sangkot ang bahay ni Emerson Magbitang, 35, sa loob ng subdivision sa Barangay Borol II.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Balagtas municipal jail ang tatlong pulis na nahaharap din sa kasong administratibo. RNT/JGC