MANILA, Philippines – Sinita ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga banko na tumanggap ng mga kahina-hinalang transaksyon ni dismissed Mayor Alice Guo.
Kasabay nito ay pinuna rin niya ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa bigo nitong pagtukoy ng mga kwestyonableng financial activities.
Ayon kay Gatchalian, binbigyang mandato ang mga banko at iba pang financial institutions ng batas na agarang isumbong sa AMLC ang anumang kahina-hinalang transaksyon na nagkakahalaga ng P500,000.
Sa kaso ni Guo, sinabi ng senador na inabot pa ang AMLC ng hanggang apat na taon para aksyunan ang posibleng kaugnayan sa money laundering activities na may kaugnayan sa illegal Philippine offshore gaming operator (Pogo) sa Bamban, Tarlac.
Nitong Biyernes, Agosto 30, naghain ang AMLC ng mga kaso laban kay Guo at 35 iba pa sa illegal funneling ng P7 bilyon.
“If the Senate did not investigate this matter, they could still be operating now and bringing in [dirty] money,” ayon kay Gatchalian sa panayam ng DWIZ.
“That’s why the banks and AMLC should explain. They all have liabilities here. For me, the banks should be accountable … because they did not report [the transactions] to the AMLC.”
Tinatayang aabot ng hanggang P6 bilyon ang konstruksyon ng buong POGO complex sa Bamban.
Ani Gatchalian, ang paghahain ng 87 counts ng money laundering laban kay Guo at mga kasabwat nito ay sumuporta sa suspisyon nito na mga ponding ginamit sa pagtatayo ng mga POGO facility ay galing sa iba’t ibang
transnational crimes, katulad ng online fraud at gambling.
Ang bigong pagsusumbong ng mga banko sa kwestyonableng transaksyon ay “red flag” na dapat ay naging hudyat para sa AMLC na aksyunan ang mga ito.
Iginiit ni Gatchalian na nalusutan ang AMLC sa tungkulin na maging proactive sa pagtugon sa mga isyu. RNT/JGC