Home NATIONWIDE Kelot na nagpapanggap na opisyal ng Office of the President, tiklo

Kelot na nagpapanggap na opisyal ng Office of the President, tiklo

MANILA, Philippines – Tiklo ng mga awtoridad sa isang convention sa Nueva Vizcaya ang isang lalaking nagpapakilalang Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ng Office of the President.

Ito ay matapos matukoy na wala itong kaugnayan sa naturang opisina maging sa Malacañang.

Sa ulat, nakita pa ang lalaki na nagpapabibo at todo-kaway sa mahigit 100 lider ng indigenous people (IP) sa nasabing convention.

Walang ideya ang suspek na nakakalat na ang mga tauhan ng NBI Bayombong at NBI Special Task Force sa lugar kung saan idinaraos ang naturang pagtitipon.

Kinausap ang lalaki sa isang lugar sa venue, at kalaunan ay nakumpirma ng mga awtoridad ang kanilang impormasyon at isinagawa na nila ang pagdakip sa suspek.

Nakuha umano sa kaniyang mesa ang designation na “Head, Deputy Executive Secretary For Legal Affairs – Office of the President.”

“Nag-issue ang Executive Secretary of Office of the President ng negative certification that ‘yung taong subject natin is not related or connected to the Office of the President,” ayon sa agent on case ng NBI Special Task Force sa panayam ng GMA News.

Anang NBI, matagal nang nagpapakilala ang suspek na taga-Malacañang sa mga sulat niya at isinusulong na proyekto.

“Nire-review daw niya ‘yung requirements, siya ang magpapasa mismo roon sa Office of the President. Ang violation niya is under the circumstances is Article 177 sa Revised Penal Code which is ‘yung usurpation of authority,” dagdag pa ng agent.

Wala pang tugon ang Malacañang patungkol dito. RNT/JGC