Home NATIONWIDE Magsasaka patay sa tuklaw ng ahas sa Isabela

Magsasaka patay sa tuklaw ng ahas sa Isabela

MANILA, Philippines – Patay ang isang magsasaka matapos matuklaw ng ahas habang nangunguha ng labong sa Barangay Lalauanan, Tumauini, Isabela nitong Huwebes, Agosto 29.

Ayon sa pulisya, ang biktima ay kinilalang si Primo Gabriel Lungayan, residente ng Barangay Lalauanan.

Umalis si Lungayan para kumuha ng labong ngunit hindi na umano nakauwi ng bahay kung kaya’t iniulat sa pulisya na nawawala.

Sa paghahanap ay natagpuan si Lungayan na wala nang buhay sa ilalim ng puno ng kawayan.

Nakitaan ito ng apat na hinihinalang kagat ng ahas sa kanyang kamay.

Sinabi ng pulisya na wala silang nakikitang indikasyon ng foul play sa pagkamatay ng biktima.

Hinihintay na lamang ang resulta ng post- mortem examination sa bangkay ng biktima upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang kamatayan. RNT/JGC