MANILA, Philippines – Umapela ang supplier ng national identification cards sa ilalim ng Philippine Identification System (PhilSys) sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na suriing mabuti ang performance nito kasabay ng paghingi ng rekonsiderasyon sa desisyon ng BSP na kanselahin ang P2.1 bilyong kontrata nito dahil sa bigong paghahatid ng mga obligasyon sa kasunduan.
Sa dalawang pahinang petisyon na may petsang Agosto 29, sinabi ng All Card Inc. (ACI) na naniniwala itong “the termination of our contract may have been based on inaccurate information or reports, given that we have complied with the requirements and there was no breach in contract.”
Sa termination notice na may petsang Agosto 15, tinapos na ng policy-making Monetary Board (MB) ang kontrata ng BSP sa ACI sa
“failure to deliver any or all of the goods specified in the contract, amounting to more than 10 percent of the contract price.”
Ayon sa BSP, nakapag-produce lamang ng 57.9 million pre-personalized national ID cards sa pagitan ng 2022 at 2023, o kulang ng 58.1 milyon sa target na 116 milyong card para sa mga Filipino.
Nagresulta ito sa production loss na P1.06 bilyon, o katumbas ng 49.91 percent ng contract amount na iginawad sa ACI.
Sa computation ng BSP, nakitang dapat magbayad ang ACI ng P640.9 million sa total liquidated damages, o katumbas ng 30.24 percent ng contract price.
Nasa arbitration na ang naturang usapin, ayon kay BSP Senior Assistant Governor and General Counsel Elmore Capule nitong Huwebes, Agosto 29.
Sa motion for reconsideration ng ACI, sinabing “We addressed specific concerns raised by the BSP and offered solutions to ensure the continuous and successful implementation of the project. We believe these verified position papers have not been fully considered in the recent decision to terminate the contract,” saad sa mosyon na pirmado ni ACI chair at chief executive officer Allieta Cue.
Nagbabala ang ACI sa epekto ng contract termination sa produksyon at distribusyon ng nalalabing national ID cards.
“As this project is vital for national security and public service, any disruption may cause delays that could affect millions of Filipinos. Moreover, the decision to terminate the contract will lay waste to approximately 60 million already produced cards, resulting in substantial financial loss and inefficiencies,” dagdag pa.
Umapela naman ang ACI sa BSP na bigyan pa ito ng pagkakataon na makabawi at mapunan ang mga pagkukulang.
“We are confident that with proper communication and coordination, any concerns raised can be effectively resolved without the need for contract termination,” dagdag ng ACI.
Tinukoy din ng kompanya ang reputasyon nito bilang long-standing partner ng BSP kabilang ang track record nito sa mga matagumpay na kontrata sa iba pang government at private entities. RNT/JGC