Home METRO 2 patay sa salpukan ng tricycle, kotse sa Ilocos

2 patay sa salpukan ng tricycle, kotse sa Ilocos

MANILA, Philippines – Patay ang mag-partner habang sugatan ang dalawa iba pa sa aksidente sangkot ang isang tricycle at kotse sa national highway sa Barangay Jordan, Sinait, Ilocos Sur nitong Linggo ng hapon, Hunyo 2.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Robert T. Yagin, 37, drayber ng isang modified tricycle, at Lyka Montemayor, 29, back rider, na kapwa residente ng Barangay Katipunan, Sinait.

Sa imbestigasyon ay napag-alaman na sinakop ng mabilis na modified tricycle ang kabilang linya at bumangga sa Toyota Vios.

Nagtamo ng seryosong pinsala sa katawan ang mag-partner na idineklarang nasawi sa ospital.

Samantala, ang mga sugatan ay sina Ruth E. Aglipay, 36, drayber ng Toyota Vios, residente ng Barangay Poblacion 2, Currimao, Ilocos Norte, at Janine S. Valencia, 11, pasahero at residente ng Barangay Bungkag, Dingras, Ilocos Norte.

Nasa kustodiya ng pulisya si Aglipay at nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente. RNT/JGC