Home METRO 2 patay sa sunog sa Pasay

2 patay sa sunog sa Pasay

MANILA, Philippines- Patay ang dalawang indibidwal habang isa ang naiulat na nawawala sa sunog sa isang residential area sa Barangay 177 sa Malibay, Pasay City nitong Sabado ng umaga.

Ang mga nasawi ay isang matanda at isang bata base sa initial assessment, ayon kay Senior Fire Officer 1 Resmond Germino, chief public information officer ng Pasay City Fire Station.

Hinahanap pa ng mga bumbero ang nawawalang indibidwal.

Nagtamo naman ang dalawang residente ng minor injuries — isa ng first-degree burn, habang ang isa ay nasugatan sa paa, dagdag ni Germino.

Sumiklab ang sunog ng alas-4:35 ng madaling araw sa hanay ng mga bahay sa Esteban Street malapit sa creek at sa tinatawag ng mga residenteng Flores Tulay, batay sa ulat.

Agad itong kumalat dahil gawa ang mga bahay sa light materials.

Itinaas ng Bureau of Fire Protection sa third alarm ang sunog at idineklarang under control, saka tuluyang naapula ng alas-7:23 ng umaga.

Inaalam na ng BFP investigators ang mitsa ng sunog at halaga ng pinsala. RNT/SA